--Ads--

Hindi pa kailangan ang mass o mandatory repatriation ng mga overseas Filipino worker sa Gitnang Silangan sa kabila ng tumitinding tensyon sa rehiyon, ayon sa Department of Migrant Workers.

Sinabi ni DMW Secretary Hans Cacdac na patuloy na nirerepaso ng Department of Foreign Affairs ang alert levels at hindi pa ito umaabot sa antas na mangangailangan ng malawakang pagpapauwi.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigpit na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon, habang hinikayat ni Sara Duterte ang mga Pilipino sa apektadong lugar na tiyaking handa ang kanilang mahahalagang dokumento.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, walang direktang banta sa Pilipinas at nananatiling limitado sa Gitnang Silangan ang tensyon.

--Ads--

Samantala, nasa 400 OFW ang na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport matapos kanselahin ang ilang flight patungong rehiyon. Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration na may tulong at pansamantalang matutuluyan ang mga apektadong manggagawa.