Marami pa ring mga mag-aaral ang humahabol sa pagpapatala sa Cauayan City Stand Alone Senior High School (CCSASHS) ilang araw bago ang pagsisimula ng panibagong school year.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. John Mina, Secondary School Principal IV ng CCSASHS, sinabi niya na karamihan sa mga humahabol na magpa-enroll ay mga incoming Grade 11 students.
Sa kasalukuyan, nasa 3,500 na ang opisyal na naka-enroll na mga mag-aaral sa Grade 11 at Grade 12 sa naturang paaralan. Gayunman, batay sa kanyang pagtaya, maaari pa itong madagdagan ng mahigit isang daang estudyante dahil sa dami ng mga humahabol na enrollees.
Ayon kay Dr. Mina, may kapasidad lamang ang mga silid-aralan ng CCSASHS para sa humigit-kumulang 3,800 estudyante. Dahil dito, nilimitahan nila ang pagtanggap sa ilang academic tracks, partikular na sa Technical Professional Track.
Bilang hakbang, hinihikayat din nila ang ilang enrollees na maghanap ng ibang paaralan, lalo na’t maaari nilang ma-avail ang voucher program ng pamahalaan kung nais nilang mag-enroll sa mga pribadong paaralan.
Dagdag pa ni Dr. Mina, kulang pa ng humigit-kumulang 800 armchairs o upuan ang kanilang paaralan.
Habang hinihintay ang mga upuang ipagkakaloob ng Department of Education (DepEd), pansamantala munang gagamit ng monoblock chairs at long tables ang ilang mga mag-aaral.
Maliban dito, nangangailangan din ang CCSASHS ng karagdagang 16 na silid-aralan. Mayroon na umanong nagsagawa ng site inspection upang matukoy ang mga posibleng pagtatayuan ng mga karagdagang classrooms sa loob ng paaralan.






