Mainit na sinalubong ng pamilya, mga kaibigan at lokal na pamahalaan si dating overseas Filipino worker (OFW) Mary Jane Veloso nang makabalik siya sa kanyang bayan sa General Mamerto Trinidad, Nueva Ecija nitong Sabado, matapos siyang pagkalooban ng absolute pardon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matapos ang 16 na taon, muling nasilayan ni Veloso ang kanyang tahanan sa Barangay Burol kung saan naghanda ng simpleng salu-salo ang kanyang pamilya upang ipagdiwang ang kanyang kalayaan.
Binigyan din siya ng cake at tarpaulin ng lokal na pamahalaan bilang paggunita sa kanyang pagbabalik sa bayan.
Kasabay ng pagdiriwang, nakasalo ni Veloso sa hapunan ang kanyang mga mahal sa buhay at natikman muli ang kanyang paboritong pagkain na pinakbet at inihaw na tilapia.
Ayon sa kanyang ina na si Celia Veloso, nais na nilang isantabi ang mga nangyari sa nakaraan, ngunit igagalang nila ang anumang magiging pasya ni Mary Jane kung nanaisin nitong magsampa ng kaso laban sa mga recruiter na umano’y sangkot sa kanyang sinapit.
Samantala, sinabi ni General Mamerto Trinidad Mayor Larry Ponce na pararangalan si Veloso sa Oktubre 5 bilang pagkilala sa kanyang katatagan sa kabila ng mga pagsubok na kanyang pinagdaanan.
Naglaan din umano ang lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal at programang pangkabuhayan para sa kanya.
Naaresto si Veloso sa Indonesia noong 2010 matapos makuhanan ng heroin sa dala niyang maleta. Nakatakda sana siyang bitayin noong 2015 ngunit napigilan ito matapos mamagitan ang noo’y Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Noong 2024 ay inilipat sa kustodiya ng Pilipinas si Veloso at pormal na nakalaya mula sa Correctional Institution for Women noong Biyernes matapos lagdaan ang kanyang absolute pardon.










