Napili ang lungsod ng Santiago bilang isa sa mga pilot area ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa implementasyon ng automated system sa pagproseso ng mga correction sa civil registry documents.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Elinora Cofield, City Civil Registrar ng LGU Santiago, sinabi nitong malaking hakbang ang naturang programa upang mapabilis ang pag-apruba ng mga kahilingan para sa pagwawasto ng mga detalye sa mga dokumento gaya ng birth certificate.
Ayon kay Cofield, karaniwang ipinapadala sa PSA ang mga requirements sa pamamagitan ng hard copy gamit ang kanilang programa. Gayunman, sa ilalim ng bagong automated system, inaasahang magiging mas epektibo at mas mabilis ang proseso.
Ipinaliwanag nito na mula sa dating tinatayang tatlo hanggang anim na buwang paghihintay para sa pag-apruba ng correction, posibleng umikli na lamang ito sa mahigit isang buwan sa ilalim ng pilot implementation.
Binigyang-diin din ng opisyal na malaking tulong ito sa mga residente ng Santiago City na nangangailangan ng agarang pagwawasto ng kanilang civil registry records para sa employment, pag-aaral, pagkuha ng passport at iba pang legal na transaksyon.
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng City Civil Registrar’s Office sa PSA upang matiyak ang maayos na implementasyon ng automated correction system sa lungsod.









