Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang pamamahagi ng Cash Relief Assistance (CRA) sa 23,246 na tricycle drivers sa buong Cagayan Valley. Layunin nitong magbigay ng tulong sa mga tricycle drivers upang matulungan silang makatawid sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ang CRA ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD, na naglalayong magbigay pinansyal na tulong sa mga Pilipinong apektado ng mga krisis tulad ng pagsirit ng presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan, sinabi niya na ang buong rehiyon ay may “clean list” ng 23,246 na tricycle drivers na makikinabang mula sa programa. Ang mga tricycle drivers sa Tuguegarao City ay mayroong 7,478 benepisyaryo, habang sa Santiago City ay may 8,117, sa Cauayan City ay may 4,999, at sa City of Ilagan ay may 2,773.
Nilinaw ni RD Alan na ang ayuda ay para lamang sa mga aktwal na tricycle drivers at hindi kasama ang mga operators maliban na lamang kung ang operator ay aktibong namamasada rin ng tricycle.
Para naman sa mga tricycle drivers na hindi makakapunta sa payout ngayong araw, sinabi ni RD Alan na magkakaroon ng espesyal na payout sa Biyernes sa mga SWAD (Social Welfare and Development) Offices ng DSWD sa iba’t ibang lungsod, kung saan maaaring magtungo ang mga hindi nakadalo upang makuha ang kanilang ayuda.
Ang pamamahagi ng Cash Relief Assistance ay isang hakbang ng pamahalaan upang makatulong sa mga sektor ng transportasyon na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis, na nagdudulot ng dagdag na pasanin sa mga araw-araw na operasyon at buhay ng mga drayber.











