Isang Child in Conflict with the Law (CICL) ang naaresto matapos umanong magnakaw ng isang cellphone at pera mula sa barracks ng mga construction worker sa Purok 3, Brgy. Marabulig 1, Cauayan City, nitong Sabado ng umaga, Hulyo 11.
Batay sa ulat Cauayan Component City Police Station (CCPS), ang biktima ay isang 22-anyos na construction worker at residente ng Balog, Tumauini, Isabela. Samantala, ang suspek ay isang 17-anyos na babae na kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Marabulig 1.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na dakong alas-9:30 ng umaga ay iniwan ng biktima ang kanyang itim na Redmi 15C Android cellphone na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱10,000 at ₱3,000 na cash sa kanilang barracks. Ayon sa biktima, nakita umano niya ang suspek na pumasok sa barracks at agad ding umalis. Nang kanyang suriin ang kanyang mga gamit, nadiskubre niyang nawawala na ang kanyang cellphone at pera kaya agad siyang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Dahil sa ibinigay na deskripsyon ng biktima, nagsagawa ng paghahanap ang mga barangay tanod at natagpuan ang suspek na nagtatago sa ilalim ng isang puno ng kawayan. Dinala siya sa barangay hall kung saan positibong kinilala ng biktima bilang ang taong nakita niyang pumasok sa barracks. Nang tanungin tungkol sa nawawalang cellphone, kusang-loob umano nitong isinuko ang naturang gamit bago siya inaresto sa pamamagitan ng citizen’s arrest at isinuko sa Cauayan CCPS.
Ayon sa pulisya, agad silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad ng City Social Welfare and Development (CSWD) para sa kaukulang discernment at wastong disposisyon sa kaso. Kasalukuyang nasa pangangalaga na ng CSWD ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kasong theft na isasampa laban sa kanya.











