--Ads--

CAUAYAN CITY – Ikinagulat ng ilang mga residente ang napakataas na diperensya sa singil sa kanilang nakonsumong kuryente sa Isabela Electric Cooperative o ISELCO.

Hindi lamang doble kundi triple ang itinaas ng kanilang konsumo sa kuryente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Minda Ramos, residente ng Cauayan City, sinabi niya na wala namang naidagdag sa kanilang mga appliances at wala ring nabago sa kanilang pagkonsumo sa kuryente sa nagdaang buwan ngunit napakalaki ng itinaas ng kanilang bayarin.

Aniya mula sa dating mahigit dalawang libong pisong bill sa kuryente noong nakaraang buwan ay umabot na sa mahigit apat na libong piso ang kanilang bill ngayong buwan.

--Ads--

Ang iniisip nilang rason ng pagtaas ng kanilang bill ay ang pagtaas ng rate ng Electric Cooperative dahil sa naranasang tagtuyot ngunit hindi sila makapaniwala na ganito ang itinaas.

May mga consumer naman sa ibang mga bayan na may dating kinokonsumong kuryente na aabot sa 200 pesos lamang sa isang buwan ngunit ngayon ay umabot na sa isang libong piso ang kailangan nilang bayaran.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Dept. Manager Engr. Roger Jose ng ISELCO 1, sinabi niya na kung may reklamo ang mga consumer ay dapat nilang idulog agad ito sa kanilang tanggapan upang ito ay masolusyonan.