--Ads--

CAUAYAN CITY – Nilinaw ng Philippine Statistics Authority (PSA) Isabela na nagtalaga sila ng mga enumerator para magsagawa ng validation at verification sa personal information ng mga residente sa Barangay.

Ito ay matapos magdulot ng pangamba ang pagbisita ng ilang kawani ng PSA sa bahay ilang residente sa pag-aakalang baka nagpapanggap lamang ang mga ito para makuha ang kanilang mga personal information at magamit sa scam.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Julius Emperador ng PSA Isabela, sinabi niya na nagsagawa na sila ng census noong nakaraang taon ngunit mayroon silang mga dapat balikan na ilang mga barangay para sa verification dahil mayroong mga kulang na impormasyon na hindi naitala sa kanilang talaan.

Ayon kay Emperador, bago magbahay-bahay ang mga enumerator ng PSA ay nagtutungo muna sila sa tanggapan ng barangay para ipaalam ang kanilang pakay.

--Ads--

Ang mga enumerator ay dapat umanong may ID ng PSA, at may dalang mga talaan at questionnaire na itatanong sa mga residente.

Sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na ulat na mayroong nagpapanggap na enumerator.

Gayunpaman, ay mayroon pa ring ilang mga residente ang tumatangging magbigay ng kanilang personal information kaya nahihirapan ang ilan sa kanilang mga kawani.

Dahil dito ay hinikayat niya ang mga residente na huwag matakot na magbigay ng personal data sa mga enumerator ng PSA dahil sa pamamagitan nito ay natutukoy ang kabuaang populasyon ng barangay at isa ito sa mga basehan ng pagkakaroon ng internal revenue allotment ng isang bayan o lalawigan.