Muling nagpaalala ang Anti-Cyber Crime Team ng PNP kaugnay sa mga naglipanang scams na patuloy na nambibiktima ng ilang mga Pilipino.
Hindi na bago ang scam kung saan maraming mga Pilipino na ang nabiktima at natangayan ng pera partikular ang love scam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MSgt. Ar-Jay Nolasco ang imbestigador ng Santiago Cybercrime Team sinabi niya na makailang ulit na silang nagpaalala sa publiko sa mga dapat gawin para hindi malinlang ng mga scammer.
Dahil sa buwan ng pag-ibig ay usong-uso ngayon ang love scam kung saan ang scammer ay nakikipagkilala sa mga hindi kilalang taoo possible target o victim gamit ang social media.
Kukunin ng mga scammer ang loob ng biktima sa pamamagitan ng pagbuo ng mga kwento at pag nakuha ang loob ng biktima ay saka ito hihingan ng pera.
May mga pagkakataon din na ang mga scammer ay nag papanggap bilang foreign national at umanoy magpapadala ng package na may lamang malaking halaga ng pera.
Kapansin pansin sa monitoring ng Regional Anti-Cyber Crime Unit na madalas tumataas ang insidente ng Love Scam tuwing buwan ng Pebrero at kadalasang natatala ito sa Lalawigan ng Isabela.
Sa ngayon ay wala pa silang natalang cyber crimes nitong Enero subalit posibleng magkapagtala sila ngayong Pebrero.





