CAUAYAN CITY – Matapos ang maraming buwan na COVID-19 positive free, nakapagtala na ng kauna-unahang positibo ang lalawigan ng Batanes.
Ang COVID-19 positive ay 29 anyos na lalaki, Locally Stranded Individual (LSI) na galing sa Sta. Rosa, Laguna at residente ng Itbayat, Batanes.
Dumating siya sa Batanes noong Setyembre 22, 2020 lulan ng eroplano ng Philippine Airforce (PAF).
Nakuhanan siya ng sample noong Setyembre 27 kasama ang 34 LSIs at Authorized Persons Outside Residence (APOR) na sakay ng eroplano.
Agad silang kinuhanan ng specimen nang makitaan ng sintomas ng Covid-19 ang dalawang pasahero na isang 20-anyos at 75-anyos.
Nasa isolation unit na ang dalawang nakitaan ng sintomas ng virus habang ang iba ay nasa quarantine facility ng lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul na mas hinigpitan nila ang pagpapatupad sa mga panuntunan matapos na maitala ang kauna-unahang COVID-19 positive.
Hiniling din niya sa mga nais magtungo sa Batanes na iwasan muna para maiwasan ang pagkalat ng virus.












