Inilabas ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang kautusan na pansamantalang suspindihin ang Exploration Permit (EP) ng Woggle Corporation sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte, lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon sa MGB, dahil sa patuloy na mga kaganapan at mga hadlang na sanhi ng mga riot, civil disturbances, blockade, at mga pagtutol mula sa ilang miyembro ng komunidad, ang kaligtasan at kaayusan sa nasabing lugar ay nanganganib. Dahil dito, pinatupad ang suspensyon bilang isang hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa lugar.
Paliwanag ni Assistant Secretary Michael V. Cabalda, na nag-isyu ng kautusan, na ang suspensyon ay ipinatupad bilang isang force majeure o hindi maiiwasang kalagayan alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995 at mga kaukulang regulasyon.
Sinabi rin sa kautusan na ang Woggle Corporation ay dapat agarang tumigil sa lahat ng eksplorasyon sa lugar habang ipinatutupad ang suspensyon. Ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagkansela ng permit, kundi isang pansamantalang hakbang lamang.
Sa kabila ng suspensyon, nananatiling responsibilidad ng Woggle ang pangangalaga, rehabilitasyon, at mitigasyon ng nasirang kapaligiran sa ilalim ng kanilang Environmental Work Program.
Ang suspensyon ay mananatiling epektibo hanggang sa matigil ang force majeure na kalagayan at maibalik ang normal na operasyon ng kompanya, na sasailalim sa masusing pagsusuri ng MGB.











