Ipinakita ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang umano’y kopya ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ayon sa kanya ay hawak ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Trillanes, ipinakita niya sa media ang dokumentong umano’y kopya ng naturang warrant, na aniya ay dahilan ng kanyang pagpunta sa Senado nitong Lunes.
Dagdag pa niya, nagtungo siya sa Senado upang makiisa sa mga tauhan ng NBI na umano’y magsisilbi ng pag-aresto kay Dela Rosa, batay sa kahilingan din umano ng senador.
“Personal request na samahan ko raw pag-aarestuhin siya. Nandito ngayon para arestuhin siya, kaya nandito ako. Nandito ang NBI, aarestuhin siya,” pahayag ni Trillanes.
May kaugnayan ang isyu sa umano’y kaso sa International Criminal Court kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon mula sa NBI hinggil sa naturang arrest warrant at sinasabing operasyon.











