--Ads--

Bumagsak ang isang military helicopter ng Pakistan malapit sa Muzaffarabad, ang kabisera ng Pakistan-administered Kashmir, na ikinasawi ng lahat ng sakay nito, ayon sa Inter-Services Public Relations (ISPR).

Ayon sa ulat, isang Mi-17 helicopter ng army aviation ang bumagsak habang nagta-takeoff dahil umano sa “technical fault”. Hindi agad tinukoy ng militar ang eksaktong bilang ng mga nasawi, ngunit kinumpirma nitong walang nakaligtas.

Agad na rumesponde ang mga rescue at recovery team sa lugar ng insidente, habang iniutos ang pagbuo ng board of inquiry upang matukoy ang tunay na sanhi ng aksidente.

Sa mga nakalipas na araw, mahigpit ang seguridad sa Muzaffarabad kasunod ng planong protesta ng isang grupo matapos itong ipagbawal sa ilalim ng anti-terror laws. Noong Linggo, hindi bababa sa 11 katao ang nasawi sa sagupaan sa pagitan ng pulisya at mga raliyista sa Rawalakot, kabisera ng Poonch district.

--Ads--

Bilang tugon, nagpakalat ang mga awtoridad ng federal paramilitary troops at nagpatupad ng mahigpit na travel advisory sa buong rehiyon.