Apat na katao ang nasawi habang 11 iba pa ang nasugatan matapos bumagsak ang isang CH-47 Chinook military helicopter ng Italy habang nagsasagawa ng routine training operation sa Brcko region, Bosnia and Herzegovina.
Ayon sa European Union Force in Bosnia (EUFOR), naganap ang insidente sa isang bahagi ng Brcko, nasa layong 180 kilometro sa hilaga ng capital ng Sarajevo.
Kinumpirma naman ng Italian government na pawang mga Italian national ang sakay ng helicopter nang mangyari ang aksidente.
Batay sa Italian Ministry of Defense, kabilang sa mga nasawi ang dalawang sundalo at dalawang Red Cross volunteer.
Sa pahayag ng Brcko Hospital, 15 katao ang sakay ng helicopter. Tatlo ang agad na nasawi habang binawian naman ng buhay sa ospital ang ikaapat na biktima.
Samantala, nasa stable condition na ang 11 sugatan at patuloy na ginagamot.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang EUFOR upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng helicopter.











