--Ads--

Tuluyang naabo ang isang mini-bus o modernized jeep matapos masunog sa terminal nito sa Jones, Isabela dakong alas-2:20 ng hapon nitong Pebrero 13.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), tinatayang aabot sa P2,205,000 ang kabuuang pinsala sa insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay F03 Emerson Baturi, Fire Arson Investigator ng BFP Jones, sinabi nitong mabilis kumalat ang apoy dahilan upang maideklarang totally damaged ang naturang sasakyan. Agad namang naapula ang sunog alas-2:49 ng hapon at idineklarang fire out alas-3:03 ng hapon upang hindi na madamay ang mga kalapit na establisimyento.

Bahagyang nasira ang firewall ng isang katabing establisimyento na naging dahilan ng pagkabasag ng bintana nito, habang partially damaged din ang dalawang motorsiklong nakaparada malapit sa pinangyarihan.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon, electrical short circuit mula sa overheated wiring sa ilalim ng dashboard ang pinagmulan ng sunog. Napag-alaman ding may mga dagdag na ilaw sa harapan ng sasakyan na nagresulta sa mas maraming nakakabit na kable.

Ayon sa driver, kararating lamang niya sa terminal at bumaba sandali upang uminom ng tubig. Pagbalik niya ay napansin niyang may umuusok na bahagi sa tabi ng driverโ€™s seat na nagsisilbing passenger seat sa harapan. Pagbukas niya rito ay nakita na niyang may apoy na, at kahit sinubukan nilang apulahin, mabilis na itong lumakas.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente dahil walang sakay na pasahero nang mangyari ang sunog.

Paalala ng BFP, karaniwang sanhi ng pagkasunog ng mga sasakyan ang electrical short circuit lalo na kung may mga idinadagdag na accessories na maaaring magdulot ng sobrang init sa mga kable.