--Ads--

Mahigpit na minomonitor ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang mahigit isandaang water refilling stations sa lungsod matapos matukoy ang ilan na nagpapatuloy sa operasyon nang walang permit.

Layunin nito na matiyak na sumusunod ang mga establisyimento sa mga regulasyon at malinis ang inuming tubig para sa kaligtasan ng mga residente.

Ayon kay Atty. Artemio Villaluz Jr., Department Head ng City Permits, Licensing and Inspection Office, may kabuuang 164 water refilling stations sa lungsod, ngunit 155 lamang ang may kaukulang lisensya at permit para makapag-operate.

Siyam sa mga ito ang hindi pa rehistrado o walang permit, habang 90 sa mga may permit ay may karagdagang lisensya mula sa Department of Health bilang patunay ng pagsunod sa standard requirements.

--Ads--

Sa 74 naman na nakapag-comply sa processed water requirements, 19 ang sinuspinde dahil sa paglabag sa regulasyon. Agad namang nakapag-comply ang apat sa mga naunang nasuspinde at muling nakabalik sa operasyon.

Binigyang-diin ni Atty. Villaluz na mahalaga ang regular na inspeksyon at monitoring ng mga water refilling stations upang mapanatili ang kalinisan at kalidad ng tubig, at maiwasan ang anumang panganib sa kalusugan ng mga consumer.

Aniya, patuloy ang koordinasyon ng City Permits Office sa Department of Health upang masiguro ang pagsunod ng lahat ng establisyimento sa umiiral na batas at regulasyon.