Binura sa opisyal na rekord ng House of Representatives ang naunang ruling na nagdeklara bilang out of order sa mosyon ni Navotas Rep. Toby Tiangco na muling buksan ang deliberasyon sa proposed budget ng Kamara.
Sa plenary session nitong Miyerkules, Setyembre 23, naghain ng mosyon si Cavite Rep. Aniela Tolentino na alisin sa rekord ang dalawang ruling na nagdeklara bilang out of order sa motion for reconsideration ni Tiangco. Inaprubahan ito ni Deputy Speaker Raymond Mendoza matapos walang tumutol.
Nauna nang kinuwestiyon ni Tiangco ang pag-urong ng iskedyul ng deliberasyon sa budget ng Kongreso mula Setyembre 24 patungong Setyembre 17, na isinagawa habang nasa official travel siya sa ibang bansa.
Noong Setyembre 21, hiniling niyang muling buksan ang deliberasyon ngunit idineklarang out of order ni Deputy Speaker Janette Garin ang kanyang mosyon.
Ikinatwiran ni Garin na batay sa House rules, tanging miyembrong bumoto kasama ng mayorya ang maaaring maghain ng motion for reconsideration.
Kinuwestiyon naman ito ni Tiangco dahil wala umanong aktuwal na botohan bago tapusin ang interpellation sa budget.
Halos isang oras na sinuspinde ang plenary session nitong Miyerkules habang tinatalakay ang isyu. Pagbalik ng sesyon, inaprubahan ang mosyon na burahin sa rekord ang naunang ruling.
Pinasalamatan ni Tiangco ang House leadership at mayorya sa paglilinaw sa usapin. Gayunman, wala pang hiwalay na desisyon kung muling bubuksan ang deliberasyon sa budget ng Kamara.











