Malaking ginhawa umano sa mga tricycle driver at residente ang pagkakaayos ng dating lubak-lubak at hindi pantay na daanan sa bahagi ng Barangay Labinab, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Jose Baccay, isa ring tricycle driver, sinabi niyang malaki ang naging pagbabago sa kanilang araw-araw na biyahe kumpara sa dati nang hindi magandang kondisyon ng naturang daan.
Aniya, bukod sa mabagal na biyahe, nagdudulot din noon ng dagdag na gastos sa maintenance ng kanilang tricycle ang mga lubak at hindi pantay na bahagi ng kalsada, kung saan mabilis umanong napipinsala ang ilang piyesa gaya ng bearing.
Mas nagiging mahirap din umano ang pagdaan kapag umuulan dahil nagiging madulas ang daanan, kaya malaking tulong ang isinagawang pagsasaayos nito hindi lamang sa mga tricycle driver kundi maging sa mga residenteng araw-araw na bumibiyahe sa lugar.
Dahil dito, hiniling ni Baccay sa mga kapwa tricycle driver at residente na pangalagaan at panatilihing maayos ang bagong ayos na daan upang mapanatili ang mas maayos na daloy ng trapiko at maiwasan ang mabilis na pagkasira nito.











