--Ads--

Arestado ang isang 32-anyos na babae matapos umanong magnakaw ng iba’t ibang grocery items sa isang grocery store sa Barangay San Fermin, Cauayan City.

Ang suspek ay napag-alaman na walang trabaho at residente ng Barangay CMP Padilla, Tagaran, Cauayan City; habang ang biktima naman ay si Medea Rivera, 44-anyos, store owner at manager ng establisimyento.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpanggap umano bilang kostumer ang suspek at naglibot sa loob ng tindahan bago palihim na isinilid sa kaniyang eco bag ang ilang paninda. Makalipas ang ilang minuto, lumabas umano ito ng establisimyento nang hindi nagbabayad sa cashier.

Napansin ng biktima ang kahina-hinalang paglabas ng suspek kaya agad niyang nireview ang CCTV footage na konektado sa kaniyang cellphone.

--Ads--

Matapos makumpirma ang insidente, inutusan niya ang isang saleslady na habulin ang suspek sa labas ng tindahan.

Nang hingan ng resibo, hindi umano nakapagpakita ng anumang patunay ng pagbili ang suspek. Humingi naman ng tulong ang biktima sa mga pulis na nagsasagawa ng foot patrol sa lugar, na nagresulta sa agarang pag-aresto sa suspek.

Narekober mula sa suspek ang mga hinihinalang ninakaw na produkto na kinabibilangan ng dalawang pakete ng gatas na tig-680 gramo, isang pakete ng Chocopowder na 500 gramo, at isang juice powdered mix kung saan tinatayang aabot sa ₱1,100 ang kabuuang halaga ng mga narekober na item.

Dinala ang suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya sa Cauayan Component Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at mas malalim na imbestigasyon. Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek.