--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang  ilang residente sa San Isidro, Cauayan City  na hindi kasama sa mga benepisaryo ng Emergency Shelter Assistance Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga sinalanta ng bagyong Rosita noong 2018.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Baybayan ng San Isidro, Cauayan City, sinabi niya na totally damaged ang kanyang bahay noong bagyong Rosita ngunit hindi siya kasama sa listahan.

May kumuha ng larawan sa kanyang nasirang bahay  matapos ang bagyo kaya umasa siyang kasama siya sa mga benepisaryo ngunit wala siyang natanggap na ayuda.

Dumulog siya sa Bombo Radyo Cauayan para malinawan kahit sinabi ng DSWD na may ikalawang tranche ay hindi siya sigurado kung kasama na siya sa listahan ng mga benepisaryo.

--Ads--
Ganito ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Ernesto Baybayan.

Nagreklamo rin sa  Bombo Radyo Cauayan  ang senior citizen na si  Ricarda Divina dahil kahit nasira ang kanyang bahay at namatayan pa ng anak noong kasagsagan ng bagyong Rosita ay wala siyang natanggap na ayuda.

Sinabi niya na nakatanggap ang kanyang kapitbahay na hindi naman nasiraan  ng bahay samantalang siya na namatayan pa ng anak at nasira ang bahay ay wala sa listahan.

Noong isinagawa ang validation ng City Social Welfare and Development (CSWD) ay hindi umano pinuntahan ng barangay secretary ang kanyang bahay na nasira at noong kinompronta niya ay humingi siya ng paumanhin dahil hindi umano nito nakita.

Ayon kay kay Gng. Divina, hindi nakuhanan ng larawan ang kanyang partially damaged na bahay noong validation kaya ito marahil ang dahilan na hindi siya kasama sa listahan.

Sinabi niya na hindi  sana siya magrereklamo pero nang malaman niya na may mga nakakuha ng ayuda na hindi nasiraan ng bahay ay nagpasya siyang idulog sa  Bombo Radyo Cauayan ang kanyang reklamo  para mabigyan ng leksiyon at managot ang hindi gumawa ng kanilang trabaho.

Ang pahayag ni Gng. Ricarda Divina.

Samantala, ipaparating sa CSWDO ni Barangay Kapitan Juan Edra ng San Isidro, Cauayan City ang reklamo ng kanyang mga kabarangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Barangay Kapitan  Edra  na may kumuha ng mga larawan sa naunang mahigit 20 pamilya na nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng 2,500 na galing sa pamahalaang Lunsod ng Cauayan  noong 2018.

Nilinaw pa niya na  totoong nasiraan ng mga bahay ang mga nakakuha ng ayuda dahil nag-ikot noon ang kanilang health worker para ma-validate ang  mga nasiraan.

May mga larawan  ang kanyang mga  nilagdaang pangalan na isinumite sa kanya ng kanilang health worker na si Isabel Jose kaya masasabi niyang lehitimo ito.

Idinagdag pa niya na may 65 pa ang hindi nakakakuha  ng ayuda mula sa kanilang listahan ng mga  nasiraan ng bahay.

Sinabi pa ni Barangay Kapitan Edra na ang pagkakaalam niya, kapag nakakuha na  ng ayuda  sa city government ay hindi na sila kasama sa ayuda mula sa DSWD.

Ang pahayag ni Barangay Kapitan Juan Edra.