--Ads--

Niyanig ng magnitude 4.7 na lindol ang Campi Flegrei area malapit sa Naples, Italy nitong Biyernes ng gabi, na nagdulot ng pansamantalang pagkawala sa suplay ng kuryente at operasyon ng pampublikong transportasyon, habang ilang gusali naman ang nagtamo ng pinsala.

Ayon sa National Institute of Geophysics and Volcanology ng Italy, naitala ang lindol dakong alas-7:46 ng gabi (oras sa Italy), kung saan ang sentro nito ay nasa kanlurang bahagi ng Naples at may lalim na humigit-kumulang tatlong kilometro.

Iniulat ng Italian Fire Service na nakatanggap sila ng mga ulat hinggil sa bahagyang pinsala sa ilang gusali sa Naples at mga karatig-lugar, ngunit wala namang naiulat na nasawi o nasugatan at wala ring agarang pangangailangan para sa rescue operations.

Bilang pag-iingat, pansamantalang itinigil ang operasyon ng ilang tren at metro sa lugar. Ayon naman sa mga ulat ng local media, maraming residente ang nagmadaling lumabas ng kanilang mga bahay matapos maramdaman ang malakas na pagyanig.

--Ads--

Matatagpuan sa Campi Flegrei ang isang malaking volcanic caldera na sumasaklaw sa malaking bahagi ng kanlurang bahagi ng Naples at tahanan ng maraming residente. Sa mga nakalipas na taon, mas madalas nang nakararanas ng mga lindol sa lugar kaya pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang monitoring.

Noong 1980, isang matinding seismic crisis sa parehong lugar ang nagdulot ng malawakang pagkaantala sa pamumuhay at sapilitang paglikas ng libu-libong residente mula sa kanilang mga tahanan.