CAUAYAN CITY- Nakatakdang magsagawa ng malalimang imbestigasyon ng San Mateo Police Station sa pagkakatagpo sa bangkay ng isang babaeng estudyante sa irrigation canal na nasasakupan ng Sitio Calaocan, Salinungan West, San Mateo, Isabela.
Batay sa mga inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan mula sa embalsamador na may indikasyon na pinukpok ito ng matigas na bagay dahil sa nakita nilang sugat sa ulo nito.
Napag-alaman na natagpuan ang bangkay na nakagapos at nakabalot ng kumot na hinihinalang inanod lamang sa irrigation canal na nasasakupan ng Salinungan West San Mateo, Isabela.
Matatandaan na kinilala na ng kaniyang Pamilya ang biktima na si Maehyezine Get-ang Concepcion, Computer Engineering Student ng Ifugao State University, may-asawa, may anak at residente ng Barangay Namnama , Alfonso lista, Ifugao (Potia Campus).
Kung maaalala isang bata ang nakakita sa bangkay ng estudyante na agad na humingi ng tulong sa mga residente sa lugar na sila ring nag-ulat sa Pulisya pasado alas-nuebe ng umaga.
Batay sa diskripsyon ng mga embalsamador na siyang nag asikaso sa bangkay na posibleng hindi pa tuluyang naaagnas ang katawan ng estudyante at tinatayang nasa tatlo hanggang limang araw na itong nakababad sa tubig.
Una na ring napaulat sa Bombo Radyo Cauayan sa pakikipag-ugnayan kay PSMSgt. Joseph Guinichon ng Alfonso lista Police Station , ang estudyante ay unang iniulat na nawawala noon pang February 20,2025, matapos nila matanggap ang impormasyon ay agad silang nagsagawa ng imbestigasyon kung saan ito nagtungo at kung ano ang dahilan kung bakit ito hindi umuuwi.
Una na ring narekober ng pulisya ang motorsiklong ginagamit ng biktima sa Santa Maria, Ifugao, nakakuha din ang PNP ng CCTV footage kung saan nagpapakita na ang biktima ay umangkas sa ibang motorsiklo bago ito nawala.
Bukas ay maaaring isasailalim na sa autopsy ang bangkay ng dalagita para malaman ang naging sanhi ng pagkamatay nito.