Magsasagawa ng malawakang imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y pamemeke ng Philippine birth records at ilegal na pagkuha ng ari-arian ng mga dayuhan sa bansa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Martes, maglalabas siya ng memorandum na mag-uutos sa lahat ng regional directors at assistant directors na imbestigahan ang mga naturang kaso.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ang mga dayuhang pinaghihinalaang nakakuha ng mga dokumento ng pagkakakilanlan sa pamamagitan ng pandaraya. Marami umano sa mga iniulat na kaso ay kinasasangkutan ng mga Chinese national, bagama’t may iba pang nasyonalidad.
Ayon kay Matibag, may mga naiulat na kaso sa Mindanao, partikular sa North Cotabato at Davao del Sur.
Isinasagawa ang hakbang sa gitna ng mga naunang kaso ng umano’y pamemeke ng birth records, kabilang ang kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na nahatulan sa kasong qualified human trafficking na may kaugnayan sa ilegal na POGO operations.











