Nagpalabas na ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa apat na indibidwal upang magbigay-linaw sa misteryosong pagkawala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na inaasahang haharap ngayong linggo para sa gaganaping interogasyon sina:
Mao Aplasca – ang suspendidong Senate sergeant-at-arms;
Col. Joselito de Sesto – ang hepe ng Pasay City Police;
Jean Robles – ang deputy chief of staff ni Senador Robinhood Padilla; at
Virgilio Cariño – ang amain ni Senador Padilla.
Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad kay Dela Rosa matapos nitong makatakas at makalabas ng pasilidad ng Senado madaling-araw noong Mayo 14, sa gitna ng inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
Ayon sa mga ulat, umalis si Dela Rosa sa Senado ilang oras matapos ang naganap na barilan kung saan nagpakawala ng mga babalang putok si Aplasca laban sa mga tauhan ng NBI. Hinala ng mga kritiko, ginamit ang kaguluhang ito bilang “smokescreen” o pantakip upang makalusot ang senador mula sa pag-aresto.
Isinasangkot din si Col. De Sesto dahil sa mga alegasyon na ang sasakyan ng pulisya na kaniyang kinalululunan ay nag-escort diumano sa getaway vehicle ni Dela Rosa. Kalaunan ay nabunyag na nakisabay ang wanted na senador sa sasakyan ni Sen. Robinhood Padilla at bumaba sa Makati. Itinanggi naman na ni De Sesto ang pagbibigay ng seguridad sa senador.
Samantala, si Robles, na isang retiradong militar, ay pinaniniwalaang kasama nina Dela Rosa at Padilla sa loob ng sasakyan. Si Cariño naman ang itinuturong may-ari ng bahay sa isang subdibisyon sa Angeles City, Pampanga na niraid ng mga awtoridad noong nakaraang linggo.
Samantala, pinag-iisipan pa rin ng NBI kung magpapalabas ng subpoena para sa asawa ng senador na si Nancy Dela Rosa, sa kabila ng pahayag ni Senador Panfilo Lacson na “katamaran sa trabaho” kung ituturing ang pagpapatestigo rito.
Giit ni Matibag, nais lamang nilang malaman ang naging takbo ng usapan nina Nancy at Senate President Alan Peter Cayetano. Ayon kasi kay Cayetano, nakatanggap siya ng mensahe mula kay Gng. Dela Rosa na nagpapasalamat dahil ang naganap na barilan ang nagbigay ng pagkakataon kay Sen. Bato na makatakas. Siyasat ng NBI, ito ang posibleng motibo sa likod ng naganap na pamamaril sa Senado.
Sa kabilang banda, nagpahayag ng buong suporta si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at sinabing handa silang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon ukol sa insidente noong Mayo 13.











