--Ads--

Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga negosyante at trader na iwasan ang pananamantala sa pagtaas ng presyo ng langis, kasabay ng pagtiyak na mahigpit na babantayan ng pamahalaan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ito ay kasunod ng tensyon sa Middle East na nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang suplay ng produktong petrolyo.

Binigyang diin ng Pangulo ang patuloy na pagbabantay ng pamahalaan sa mga pamilihan upang masiguro na walang magsasagawa ng hoarding at profiteering, na kapwa mahigpit na ipinagbabawal ng batas. Umaasa ang gobyerno sa responsableng pagpepresyo ng mga produkto sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.

Ipinaliwanag ni Marcos Jr. na tuwing may tensyon sa Middle East, agad na naaapektuhan ang suplay ng langis, partikular na kapag nahaharap sa problema ang pagdaan ng mga barkong may kargang langis sa Strait of Hormuz na itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa buong mundo.

--Ads--

Dahil sa epekto nito sa suplay ng langis, inihayag ng Pangulo na nagdudulot ito ng “domino effect” sa presyo ng kuryente at iba pang pangunahing bilihin, na ramdam hanggang sa mga pamilihan sa Pilipinas. Kaya’t muling nanawagan ang pamahalaan sa kooperasyon ng lahat upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at maprotektahan ang kapakanan ng mga mamimili.