--Ads--

Tinukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sina Senador Robin Padilla at Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca bilang “persons of interest” kaugnay sa misteryosong pagkawala ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang kaguluhan sa Senado nitong Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Matibag, si Padilla ang huling nakitang kasama ni Dela Rosa batay sa CCTV footage, habang si Aplasca naman ang may alam sa mga galaw sa loob ng Senado. Dagdag pa niya, dapat ding managot si Senate President Alan Peter Cayetano dahil sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nabigyan ng “protective custody” si Dela Rosa.

“Kung may competent authority na mangangailangan sa presensya ni Sen. Bato, Senado ang dapat mag-release sa kanya,” giit ni Matibag, na nagsabing may “gentleman’s agreement” sila ni Cayetano hinggil sa hindi pag-aresto kay Dela Rosa habang nakabinbin pa ang desisyon ng Korte Suprema sa kanyang petisyon laban sa warrant ng International Criminal Court (ICC).

Samantala, itinanggi ni Sen. Jinggoy Estrada ang mga haka-haka na tinangkang itago ang CCTV footage ng Senate shootout noong Mayo 13. Aniya, ang kanyang pahayag na “itago” ang mga kamera ay maling na-interpret, at ang tunay niyang ibig sabihin ay “preserve” ang mga ito bilang ebidensya.

--Ads--

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal Party-list na maaaring makasuhan si Padilla ng obstruction of justice at aiding a fugitive dahil sa umano’y pagtulong kay Dela Rosa na makalabas ng Senado. Nanawagan siya ng isang independent investigation sa pangyayari.