--Ads--

Pinabulaanan ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia ang posibilidad ng isang “no-election” scenario sa 2028 na umano’y magpapalawig sa termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ginawa ni Garcia ang pahayag bilang tugon sa naging pahayag ni Senadora Imee Marcos hinggil sa posibilidad na hindi matuloy ang halalan sa 2028.

Ayon sa Comelec chief, imposibleng mangyari ito dahil malinaw na nakasaad sa Konstitusyon ang pagsasagawa ng eleksyon.

Binigyang-diin din niya na walang contingency plan para sa “no-election” scenario dahil tiyak aniyang magkakaroon ng halalan sa naturang taon.

--Ads--

Dagdag pa ni Garcia, nagsimula na rin ang Comelec sa paghahanda para sa 2028 presidential elections kahit dalawang taon pa bago ito idaos.

Kabilang sa kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang automation ng eleksyon, muling pagbubukas ng voter registration, at pagbalangkas ng mga panuntunan at guidelines para sa halalan.

Nauna nang itinanggi ni Pangulong Marcos ang usapin ng “no-election scenario,” habang inilarawan naman ito ng Malacañang bilang isang “diversionary tactic.”