Naglunsad ang North Korea ng ilang short-range ballistic missiles patungo sa dagat sa silangang bahagi ng Korean Peninsula, ayon sa South Korean Joint Chiefs of Staff o JCS.
Ayon sa JCS, inilunsad ang mga missile mula sa Wonsan bandang alas-5:20 ng umaga, South Korean time, at lumipad nang humigit-kumulang 250 kilometro.
Patuloy namang sinusuri ng South Korean at United States authorities ang mga detalye ng mga missile, habang ibinahagi rin ang impormasyon sa Japan.
Kasunod ng insidente, nagsagawa ng emergency security meeting ang South Korean government at hinimok ang Pyongyang na itigil ang ballistic missile launches, na itinuturing nitong paglabag sa mga resolusyon ng United Nations Security Council.
Samantala, sinabi ng U.S. Pacific Command na wala itong nakitang agarang banta sa mga tauhan, teritoryo o mga kaalyado ng Estados Unidos.











