Tinatayang lima hanggang anim na kaso ang nakatakdang isampa ng Office of the Ombudsman laban kay Leyte Rep. Martin Romualdez sa loob ng susunod na dalawang linggo kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, hiwalay pa ang mga kasong ito sa naunang kautusan ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang ilang ari-arian ni Romualdez.
“Sa ngayon, isa pa lamang ang naisasampang kaso, pero may lima hanggang anim pa kaming inihahanda. Sunod-sunod itong ihahain sa loob ng susunod na dalawang linggo,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa niya, ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa aksyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), at ipapaalam na lamang sa korte ang iba pang nakabinbing reklamo.
Ayon sa Ombudsman, kasalukuyang nasa ilalim ng preliminary investigation ang mga kaso at tiniyak niyang susundin ang tamang proseso.
“Hindi madaling labanan ang ganitong uri ng kaso, lalo na’t ang kinakaharap ay may pera at kapangyarihan,” aniya.
Matatandaang naglabas ang Court of Appeals ng 20-araw na freeze order sa isang property sa Forbes Park at ilang bank accounts na umano’y konektado kina Romualdez at negosyanteng si Jose Raulito Enoy Paras.
Sa desisyong inilabas noong Abril 22, sinabi ng korte na may sapat na batayan upang iugnay ang mga naturang asset sa posibleng paglabag sa Anti-Money Laundering Act. Kaugnay ito ng reklamong plunder, bribery, at graft na may kinalaman sa umano’y P56 bilyong kickback scheme sa mga flood control project.










