Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na inaasahan na nila ang naging desisyon ng Sandiganbayan na payagan ang piyansa ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na nahaharap sa kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Remulla, hindi na bago sa kanila ang posibilidad na mabigyan ng piyansa si Revilla at may inaasahan na silang magiging hakbang upang mangyari ito.
Matatandaang nagsampa ang Office of the Ombudsman ng mga kasong malversation through falsification of documents at graft laban kay Revilla, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez, at lima pang iba kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng P92.8 milyon.
Batay sa imbestigasyon, isang bakanteng lote lamang ang natagpuan sa lugar kung saan umano itinayo ang proyekto at walang anumang pisikal na estrukturang naitayo.
Nauna nang sumuko si Revilla sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division laban sa kanya.
Noong Hulyo 31, pinaboran ng Sandiganbayan Third Division ang petisyon ni Revilla para sa piyansa. Matapos maglagak ng P1 milyong cash bond, nakalaya siya mula sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Samantala, sinabi ni Remulla na nais niyang makipagdayalogo kay Chief Justice Alexander Gesmundo upang talakayin ang usapin at ang papel ng hudikatura sa kampanya laban sa korapsyon.
Binigyang-diin niya na mahalagang magkaroon ng masusing pagsusuri sa sistema upang matiyak na walang naaabuso sa kapangyarihan at mapalakas ang laban ng pamahalaan kontra korapsyon.
Ayon pa sa Ombudsman, hindi sapat ang aksyon ng kanilang tanggapan lamang at kinakailangan ang pakikipagtulungan ng buong pamahalaan, kabilang ang hudikatura, upang maging epektibo ang pagpapatupad ng pananagutan at katarungan sa bansa.











