Ipinahayag ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang paniniwalang kathang-isip lamang ang tinutukoy ng International Criminal Court (ICC) na common plan umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad, kabilang ang kampanya kontra ilegal na droga.
Sa isang panayam, sinabi ni Aguirre na binanggit lamang ang umano’y common plan upang magsilbing basehan sa kasong isinampa laban kay Duterte sa ICC. Aniya, kung tunay na may ganitong plano at kabilang siya rito, ngayon lamang niya ito narinig.
Isa si Aguirre sa mga tinukoy ng ICC bilang co-perpetrator sa sinasabing sabwatan, kasama sina Senador Ronald dela Rosa, Senador Bong Go, at iba pang dating opisyal ng pamahalaan.
Ayon pa sa dating kalihim, inuri silang mga kasabwat upang patibayin ang alegasyon ng mga complainant na may umiiral umanong state policy o malawakang plano noong administrasyon ni Duterte. Iginiit niya na mahirap paniwalaan ang paratang na may common plan kung hindi umano kabilang dito ang Department of Justice, lalo’t ang kagawaran ang nagsasagawa ng paunang pagdinig sa mga reklamo at nagsasampa ng kaso kapag may nakikitang probable cause.
Muli ring binigyang-diin ni Aguirre na wala siyang naging partisipasyon sa war on drugs o sa anumang extrajudicial killings. Dagdag pa niya, hindi maituturing na krimen ang pagiging abogado ni Duterte, at wala umano siyang kaalaman sa sinasabing sabwatan na ngayon lamang niya narinig.











