Walang official receipts na naibigay ang mga informants o agents ng Office of the Vice President sa mga biniling gamot, pagkain, mesa at upuan gamit ang confidential funds, ayon kay OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Sa direct examination ni Private Prosecutor Atty. Mae Divinagracia, sinabi ni Ortonio na direktang ibinibigay ang cash sa mga informants o agents na siyang bumibili ng mga naturang supplies.
Kinumpirma rin niya na wala ring official receipt para sa pagbili ng mga mesa at upuan, bagama’t may mga acknowledgement receipts na isinumite sa Commission on Audit.
Sa pagtatanong ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero, inamin ni Ortonio na ang mga informant ang binibigyan ng cash upang bumili ng pagkain, gamot, mesa at upuan.
Samantala, sinusuri sa impeachment trial ang mga acknowledgement receipts na nilagdaan ng ilang indibidwal na may mga alyas, kabilang sina Miggy Mango, Mary Grace Piattos, Xuniso P. Belat, Timon Andrew Pusa, Antonio Pagong at Beverly Pampano.











