--Ads--

Nagdagdag ng ₱100,000 reward money ang lokal na pamahalaan ng San Manuel bilang bahagi ng pinaigting na kampanya upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay sa dating beauty queen na si Lulette Jane Ramilo Dela Cruz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, Officer-in-Charge ng San Manuel Police Station, sinabi nitong isa sa mga pangunahing ipinagbilin sa kanya matapos siyang maupo ay tutukan ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang biktima.

Ayon kay PCapt. Mamerga, personal umanong nagdagdag si Mayor Faustino “Dondon” Dy IV ng karagdagang ₱100,000 reward money upang makahikayat ng impormasyon laban sa mga responsable sa pamamaril sa dating beauty queen.

Aniya, patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon at pangangalap ng impormasyon upang matukoy hindi lamang ang gunman kundi maging ang posibleng mastermind sa krimen.

--Ads--

Bagamat mayroon nang nasampahan ng kaso bago pa siya maupo bilang OIC ng himpilan, sinabi ng opisyal na hindi pa maituturing na case closed ang insidente dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang operasyon laban sa iba pang posibleng sangkot.

Dagdag pa ni PCapt. Mamerga, umaasa silang agad nang makapaglalabas ng warrant of arrest laban sa mga nasampahan ng kaso upang tuluyang makamit ang hustisya para sa biktima.

Samantala, tiniyak din ng opisyal na paiigtingin nila ang kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa bayan ng San Manuel.

Ibinahagi rin nito na noong Mayo 17 ay nagsagawa ng buy-bust operation ang San Manuel Police Station sa Barangay District 1 bilang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na anti-illegal drugs campaign.