--Ads--

Umaasa ang lokal na pamahalaan ng San Manuel na matutugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan kasunod ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education at mga lokal na pamahalaan sa Isabela.

Ayon kay Mayor Faustino “Don Don” Dy IV ng San Manuel, Isabela, sinabi nito sa isinagawang mobile session, kahapon, Hunyo 8, na naisagawa na ang paglagda ng MOA sa pagitan ng DepEd at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Ayon sa alkalde, kabilang sa mga unang nasertipikahan para sa programa ang mga bayan ng San Manuel at Echague matapos nilang maagang maisakatuparan ang kasunduan sa DepEd.

Aniya, ang mga classroom project na hindi naipasa sa ibang implementing agencies ay direktang na-download sa mga lokal na pamahalaan para sa agarang implementasyon.

--Ads--

Gayunman, sinabi ni Mayor Dy na isa pa ring malaking hamon ang kakulangan ng mga titulo ng lupa sa ilang paaralan na kinakailangan bago pondohan ng DepEd ang mga bagong gusali.

Dagdag pa niya, marami nang pangangailangan ng mga paaralan ang naipasa sa DepEd ngunit hindi lahat ay nabigyan ng pondo dahil sa kakulangan ng dokumentasyon.

Bukod dito, binanggit ng alkalde na responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan ang paggastos para sa demolisyon ng mga luma at delikadong gusali ng paaralan dahil hindi ito saklaw ng pondong inilaan para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom.

Aniya, nakapirma na rin ang kanilang bayan para sa karagdagang P50 milyong pondo na nakatakdang gamitin sa mga proyektong pang-edukasyon sa susunod na taon.