--Ads--

Iminungkahi ng Department of Agriculture (DA) ang panibagong 60-araw na pagpapatupad ng P50 kada kilo na price cap sa imported rice upang mapigilan ang posibleng pagtaas ng presyo habang limitado pa ang suplay ng lokal na bigas.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, kinakailangan ang pagpapalawig ng price ceiling dahil wala pang sapat na ani sa kasalukuyan. Aniya, inaasahang magsisimula lamang ang pagdami ng suplay pagsapit ng Agosto at Setyembre kasabay ng pangunahing panahon ng anihan.

Natapos noong Hunyo 13 ang naunang 30-araw na price cap sa 5% broken imported rice na ipinatupad sa ilalim ng Executive Order No. 118 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Mayo 13. Layunin nitong mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas at maiwasan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa merkado.

Magsisilbing pansamantalang proteksyon para sa mga mamimili ang panibagong price cap hanggang sa tuluyang maging sapat ang lokal na suplay ng bigas at makatulong sa pagpigil sa pagtaas ng inflation sa mga susunod na buwan.

--Ads--