Flag Collection
--Ads--

Nagkaroon ng “paunang talakayan” ang Pilipinas at Tsina hinggil sa posibleng oil at gas exploration sa South China Sea, kasabay ng muling pagbubukas ng bilateral dialogue upang pamahalaan ang mga sigalot sa pinag-aagawang karagatan.

Noong Marso 27 at 28, nagsagawa ng 24th Foreign Ministry Consultations at 11th Meeting ng Bilateral Consultation Mechanism (BCM) sa Quanzhou City, Fujian Province, China. Pinangunahan ng Foreign Affairs Undersecretary Leo Herrera-Lim ang delegasyon ng Pilipinas, habang si Vice Foreign Minister Sun Weidong naman ang sa Tsina.

Tinalakay ng dalawang panig ang mga paunang hakbang para sa oil at gas cooperation, at binigyang-diin ang kahalagahan ng matatag na suplay ng enerhiya.

Noong Marso 24, idineklara ni Pangulong Marcos ang state of national energy emergency dahil sa epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan.

--Ads--

Sa harap ng pandaigdigang kawalan ng katiyakan, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinalakay ng Pilipinas at Tsina ang kahalagahan ng matatag na access sa enerhiya, posibleng kooperasyon sa green at renewable energy, kalakalan, at agrikultura.

Ayon sa DFA, parehong panig ay gumawa ng hakbang na naaayon sa batas at polisiya ng Pilipinas upang palakasin ang tiwala sa maritime domain, kabilang ang coast guard-to-coast guard communication, ocean meteorology, at paunang talakayan sa oil at gas cooperation.

Binanggit ng DFA na binigyang-diin ng Pilipinas ang pangangailangan ng diplomasya at komunikasyon sa pamamahala ng pagkakaiba, at ang pagpapatupad ng international law, partikular ang 1982 UNCLOS at ang 2016 South China Sea Arbitral Award.

Ang mga pagpupulong ay magsisilbing daan para sa magiging talakayan ng mga foreign ministers ng dalawang bansa ngayong taon.