Aminado ang Department of Budget and Management (DBM) na magkakaroon ng malaking epekto sa koleksyon ng buwis kapag ipinatupad ang suspensiyon o pagbawas sa excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo.
Ito ay kasunod ng pagbibigay ng special powers ng Kongreso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magsagawa ng mga hakbang na magpapagaan sa pasanin ng publiko sa harap ng patuloy na mataas na presyo ng langis.
Ayon sa DBM, hindi maiiwasan ang pagbaba ng kita ng pamahalaan kapag ipinatupad ang nasabing mga hakbang. Gayunpaman, may mga paraan upang mapagaan ang epekto sa badyet, kabilang ang pagsusuri ng mga expenditure measures na maaaring pagkukunan ng pondo kung kinakailangan.
Kabilang dito ang mga pondo para sa pagbiyahe ng mga opisyal ng gobyerno, training at seminar, communications, at iba pang gastusin na nasa ilalim ng non-essential maintenance and other operations expenditures.
Ayon sa DBM, nagawa na rin ito sa mga nakalipas na taon sa pamamagitan ng mga ipinatupad na austerity measures o pagtitipid ng gobyerno upang matiyak na hindi lalampas sa itinakdang programa sa paggasta.











