--Ads--

Sumasailalim sa pagdinig ng Committee on Ethics ng Sangguniang Panlungsod ang reklamong inihain ng tatlong kagawad ng Barangay Rizal laban kay Punong Barangay Tyrone Buck at apat na miyembro ng konseho kaugnay ng umano’y abuse of authority sa pagpapatibay ng isang resolusyon na nagbawas ng tig-₱10,000 sa buwanang honoraria ng mga halal na opisyal ng barangay.

‎Ayon kina Barangay Kagawad Victor Pagbilao at Ronie Mariano, hindi nila kinokontra ang pagtaas ng allowances ng mga empleyado ng barangay. Anila, ang kanilang kinukuwestiyon ay ang naging desisyon ng konseho na bawasan ang honoraria ng mga elected officials.

‎Sinabi ni Pagbilao na batay sa kanilang pagsusuri ay nananatiling mababa sa 55 porsiyentong limitasyon para sa Personal Services (PS) ang alokasyon ng barangay, kaya hindi umano kinakailangan ang pagbabawas sa honoraria.

‎Samantala, sinabi ni Mariano na sa deliberasyon ay ipinaliwanag na lumaki ang pangangailangan sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Gayunman, iginiit niyang hindi nila nabasa at hindi nila napirmahan ang pinal na bersyon ng resolusyon. Aniya, kabilang ang mga lumagda sa naturang resolusyon sa mga isinama nila sa reklamong inihain.

‎Sa panig naman ni Punong Barangay Tyrone Buck, sinabi nitong ang resolusyon ay dumaan sa deliberasyon at inaprubahan ng mayorya ng konseho matapos isa-isang tanungin ang mga miyembro.

‎Ayon sa kanya, ang panukalang bawasan ang honoraria ay inihain upang magkaroon ng sapat na pondo para sa MOOE at sa pagtaas ng allowances ng mga empleyado ng barangay, kabilang ang mga volunteer, barangay health workers, mga miyembro ng Lupon Tagapamayapa at iba pang kawani.

‎Ipinaliwanag din ni Buck na matapos maibawas sa barangay budget ang mga mandatory allocation para sa Sangguniang Kabataan, calamity fund, mga programa para sa senior citizens at persons with disabilities, at 20 porsiyentong development fund, ang natitirang pondo ang paghahatian ng Personal Services at MOOE, na ayon sa kanya ay hindi na sapat upang matugunan ang lahat ng gastusin ng barangay.

‎Nag-ugat ang usapin sa Resolution na inaprubahan noong buwan ng September at sa ilalim ng resolusyon, binawasan ng tig-₱10,000 ang buwanang honoraria ng Punong Barangay, mga Barangay Kagawad, Indigenous Peoples Mandatory Representative, Barangay Secretary at Barangay Treasurer.

‎Nakasaad sa resolusyon na layunin nitong mapanatili ang sapat na pondo para sa operasyon ng barangay habang nananatiling sumusunod sa minimum honoraria na itinatakda ng batas.