Sinimulan ng Sangguniang Panlungsod ang sectoral mobile session upang direktang marinig ang problema at suhestiyon ng iba’t ibang sektor sa halip na umasa lamang sa mga hinaing na inihahatid ng barangay officials.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niyang dati ay kada barangay ang kanilang mobile session ngunit kadalasang mga barangay officials at staff lamang ang dumadalo. Kadalasang concerns dito ang infrastructure projects at kahilingan para sa pondo.
Unang kinausap ng konseho ang mga estudyante at young voters sa Isabela State University- Cauayan Campus at target ding makausap ang iba pang sektor tulad ng PWD, senior citizens, solo parents at tricycle drivers.
Samantala, iminungkahi rin ang paggamit ng QR code para direktang makapagpadala ng reklamo ang mga pasahero laban sa mga tricycle driver, kabilang ang mga namimili o nagmimintis ng pasahero.
Ayon kay SP Member Delmendo, maaaring agad na maaksyunan ang mga reklamo at, batay sa ordinansa, maaaring matanggalan ng prangkisa ang mga driver na mapapatunayang lumabag.
Inaasahan namang magpapatuloy ang sectoral mobile session ng konseho upang mas marami pang sektor ang direktang mapakinggan at matugunan ang kanilang mga hinaing.









