--Ads--

Habang ginugunita ang Semana Santa, maraming Pilipino ang bumibisita sa mga simbahan at pasyalan, lalo na sa Sabado de Gloria at Linggo ng Pagkabuhay ni Hesukristo. Dahil dito, inaasahan ang pag-usbong ng faith tourism na pinaghahandaan ng Department of Tourism.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DOT Regional Director Dr. Troy Alexander Miano, sinabi niya na bagamat solemn ang okasyon, pinaghahandaan pa rin ang pagdagsa ng mga turista na sinasamantala ang mahabang bakasyon. Katuwang ang Philippine National Police at iba pang force multipliers, mahigpit na mino-monitor ng DOT Region 2 ang sitwasyon.

Sa Isabela, tampok ang mga mahahalagang simbahan tulad ng Saint Michael the Archangel Cathedral, ang pangunahing katedral ng Diocese of Ilagan, at ang National Shrine of Our Lady of the Visitation of Guibang na dinarayo ng libu-libong deboto. Kabilang din sa mga makasaysayang simbahan ang Saint Matthias Parish Church o Tumauini Church, Saint Rose of Lima Parish Church, San Pablo Church, at Our Lady of the Pillar Parish Church.

Pagsapit ng Sabado de Gloria, inaasahan din ang pagdagsa ng turista sa mga pasyalan bilang bahagi ng recreational tourism. Kabilang sa dinarayo ang Abuan River at iba pang ilog sa lalawigan.

--Ads--

Pinayuhan naman ni Dr. Miano ang mga bibisita sa Prayer Mountain at Abuan River na sumunod sa limitadong kapasidad at first-come, first-served policy. Pinapaalalahanan din ang publiko na mag-ingat, iwasan ang labis na pag-inom ng alak, at huwag magmaneho nang nakainom upang makaiwas sa aksidente.

Inaasahan ng DOT na mas maraming turista ang pipili ng malalapit na destinasyon sa rehiyon dahil sa mataas na presyo ng petrolyo.