--Ads--

Hindi pa makumpirma ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro kung lalagdaan ang kasunduan kaugnay ng panukalang Pax Silica initiative sa nakatakdang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas.

Sa press conference sa sidelines ng 49th ASEAN Summit and Related Summits, sinabi ni Lazaro na nakatuon muna ang kaniyang mandato sa mga naging pagpupulong sa naturang summit at hinihintay pa ang magiging takbo ng mga talakayang bilateral ng Pilipinas at Estados Unidos.

Una nang sinabi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na walang nakatakdang anunsyo kaugnay ng Pax Silica sa ASEAN Summit. Aniya, isasagawa ang mga desisyon sa pamamagitan ng konsultasyon sa pamahalaan ng Pilipinas sa tamang panahon.

Samantala, ilang grupo ng mga estudyante at progresibong organisasyon ang nagsagawa ng mga protesta upang ipahayag ang kanilang pagtutol at pangamba sa planong inisyatiba bago ang pagdating ni Trump sa bansa sa Martes, Nobyembre 17.

--Ads--

Hinimok naman ng Malacañang ang mga estudyante na magsumite ng position paper at direktang talakayin sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing hinggil sa Pax Silica.

Nauna nang sinabi ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA na wala pang tiyak na petsa para sa paglagda sa legal framework ng nasabing inisyatiba.

Gayunman, ayon sa isang opisyal ng Department of Trade and Industry, inaasahang lalagdaan ang legal framework ng Pilipinas at Estados Unidos bago matapos ang 2026.

Samantala, nilinaw ni Lazaro na hindi natalakay sa mga pagpupulong ng ASEAN ang mga isinasagawang protesta sa bansa dahil nakatuon ang mga talakayan sa mga usaping panrehiyon at hindi sa mga lokal na isyu.