--Ads--

Nanawagan ang mga estudyante ng isang pribadong unibersidad sa Cauayan City na muling pinturahan ang pedestrian lane sa harap ng kanilang paaralan upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa pagtawid.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Olivia Jhean Rodriguez, fourth year Tourism student, sinabi nitong halos dalawang taon nang hindi malinaw ang marka ng pedestrian lane kaya hindi ito agad napapansin ng mga motorista.

Dahil dito, mabilis umano ang pagpapatakbo ng ilang sasakyan sa naturang lugar na araw-araw na dinaraanan ng libu-libong estudyante.

Inilapit nila ang kanilang hinaing sa Sangguniang Panlungsod upang humingi ng tulong sa muling pagpipintura ng pedestrian lane, na nasa kahabaan ng national highway.

--Ads--

Samantala, iginiit ni Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo na kailangang maipinta muli ang mga pedestrian lane sa lungsod sa lalong madaling panahon upang matiyak ang kaligtasan ng mga tumatawid.

Aniya, dapat ding magbagal ang mga motorista kapag may pedestrian na tumatawid.

Binigyang-diin ni SP Member Delmendo na dapat unahin ang mga pedestrian lane na nasa mga school zone, at maaaring kumilos ang lokal na pamahalaan habang hinihintay ang aksiyon ng mga kinauukulang national agency upang hindi na matagalan ang pagsasaayos nito.