Pansamantalang ipinagbabawal ang pagbiyahe ng mga motorista at commuter sa kahabaan ng Divilacan-Ilagan Road hanggang sa susunod na abiso dahil sa kasalukuyang kondisyon ng kalsada at posibleng panganib sa kaligtasan ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Kim Patrick Agbayani, Provincial Safety Officer, sinabi niya na ipinatutupad ang travel suspension bilang pag-iingat upang maiwasan ang anumang aksidente at iba pang hindi inaasahang insidente.
Kabilang sa mga posibleng panganib sa naturang ruta ang pagguho ng lupa, pagbagsak ng mga puno, pagbaha, at mga harang sa kalsada.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na iwasan muna ang mga hindi kinakailangang biyahe at huwag tangkaing dumaan o tumawid sa mga bahaging mapanganib.
Ayon kay Agbayani, maglalabas na lamang ng panibagong abiso oras na masuri ang kondisyon ng kalsada at matiyak na ligtas na itong gamitin ng publiko.











