Nananatiling hamon sa pagpapatupad ng school feeding program ang pabago-bagong presyo ng mga food commodities, habang sinisikap na mapanatili ang nutritional requirements at kalidad ng pagkain para sa mga mag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jean Simisim, Kitchen Coordinator, sinabi niyang kailangang pagdaanan ang pagtaas ng presyo ng ilang sangkap tulad ng karne, gulay at iba pang ginagamit sa paghahanda ng meals para sa mga beneficiaries.
Dahil dito, mahalaga umano ang masusing pagpaplano sa menu at procurement upang mabalanse ang presyo ng mga sangkap at ang nutritional requirements na kailangang matugunan sa bawat pagkain.
Maaari rin umanong gumamit ng alternatibong sangkap na mas angkop sa budget, basta’t natutugunan pa rin ang nutritional requirements at nakabatay sa approved menu ng programa.
Bahagi rin ng aktuwal na operasyon ng programa ang paghahanda at pagluluto ng pagkain, gayundin ang pamamahagi nito sa mga classroom sa tulong ng mga magulang at volunteers.
Isinasagawa rin ang nutritional monitoring sa mga batang kabilang sa programa sa pamamagitan ng pagtitimbang at pagsukat sa iba’t ibang yugto ng school year upang masubaybayan ang kanilang kalagayan.
Matatandaang inilunsad ang Home Grown School Feeding Program o HGSF sa Cauayan City noong Oktubre 7, 2024, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga partner nito. Sa unang implementasyon, nasa 1,792 learners mula sa mga paaralan sa Cauayan ang sakop ng programa.
Batay sa datos na binanggit, bahagi rin ng pilot implementation sa Isabela para sa school year 2024–2025 ang layuning maabot ang 2,500 smallholder farmers, bukod sa pagtugon sa nutritional needs ng mga mag-aaral.
Sa pamamagitan ng programa, nabibigyan din ng market opportunity ang mga lokal na smallholder farmers dahil sa pagbili ng food commodities na gagamitin sa paghahanda ng pagkain para sa mga benepisyaryo.
Kabilang din sa programa ang pagbibigay ng iodine-fortified rice sa tulong ng Department of Education at iba pang partners, habang nagbibigay naman ng suporta ang lokal na pamahalaan para sa food commodities at iba pang requirements ng programa.
Patuloy naman ang implementasyon ng HGSF sa buong bansa para sa school year 2026–2027, kabilang ang delivery ng food commodities at koordinasyon ng HGSF working committee para sa maayos na pagpapatupad nito.






