--Ads--

Nasa mahigit P2 million ang budget mula sa DepEd Central Office ang inilaan para sa pagpapatuloy ng feeding program sa mga estudyante ng Cauayan North Central School ngayong taon.

Dahil dito magpapatuloy ang naturang programa ngayong nagsimula na ang klase ng mga mag-aaral para sa school year 2025-2026.

Bahagi ito ng partnership ng World Food Program o WFP at ng nasabing paaralan bilang pilot area ng programa.

Layunin nitong mabigyan ng sapat na nutrisyon ang mga mag-aaral at maiwasan ang malnutrisyon.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Principal Ronnie Rumbaoa ng Cauayan North Central School, sinabi niya na hindi lang ang WFP ang naglaan ng pondo ngayong taon dahil may ibinaba ring pondo ang Deped Central Office.

Aniya nasa P2 million ang inilaan ng Deped at ito ay naibaba na sa SDO Cauayan para sa implementasyon ngayong school year at hinihintay na lamang nila ang pagsasaayos ng mga requirement upang masimulan na ang programa.

Kabahagi pa rin naman ang Local Government Unit ng Cauayan sa programa dahil kapag naubos na ang pondo mula sa Deped Central Office ay sila naman ang magbibigay ng karagdagang pondo para maipagpatuloy ang programa.

Malaking bagay naman ito sa mga magsasaka na myembro ng City Cooperative Office dahil sa kanila bibilhin ang mga gulay na lulutuing ulam at ipapakain sa mga estudyante ng paaralan habang ang fortified rice naman ay manggagaling sa WFP.

Sa ngayon ay nasa 1,300 ang mag-aaral ng Cauayan North Central School at inaasahan na may 400 pang mag-eenroll dahil noong nakaraang taon ay nasa 1,700 ang enrollees ng paaralan.