Wala pang validated report ang Malacañang kaugnay ng umano’y copycat threats kasunod ng magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga City.
Dahil dito, sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na hindi muna nagbibigay ng konklusyon ang Palasyo hangga’t hindi beripikado kung may credible threat laban sa iba pang mga paaralan.
Ayon kay Castro, inatasan na ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng assessment kasama ang mga concerned government agencies upang matukoy kung may banta sa seguridad ng mga paaralan.
Sa ngayon, umiiral na ang mga security measures at coordination mechanisms sa lokal na antas, habang patuloy na ina-assess ang sitwasyon depende sa pangangailangan ng bawat lugar.
Kung kinakailangan ng karagdagang nationwide measures o standardized school safety protocols, makikipagtulungan ang PNP sa Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), mga local government unit at iba pang concerned agencies.
Binigyang-diin ni Castro na nakatuon ang pamahalaan sa maagap na pagtukoy at pagtugon sa anumang banta upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. Gayunman, hindi muna isinasapubliko ang ilang operational details upang hindi makompromiso ang security measures at maiwasan ang hindi kinakailangang pangamba ng publiko.











