--Ads--

Ipinahayag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na umano’y tumanggap o nag-encash ng kabuuang ₱181.6 milyon ang limang miyembro ng pamilya Duterte, kabilang si Vice President Sara Duterte at ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, mula sa sinasabing Davao drug lord na si Samuel Uy sa pagitan ng 2011 at 2013.

Inilahad ni Trillanes ang alegasyon sa pamamagitan ng isang sinumpaang salaysay sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings laban sa bise presidente sa House justice committee. Ipinakita rin sa pagdinig ang umano’y mga bank transaction records na aniya’y sumusuporta sa kanyang mga pahayag.

Kasabay nito, iniulat ng Anti-Money Laundering Council na umabot sa ₱6.77 bilyon ang dumaloy na malalaking transaksyon sa mga bank account na nakapangalan kina Duterte at sa kanyang asawang si Mans Carpio mula 2006 hanggang 2025. Ito ay sa kabila ng nakasaad sa kanyang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2019 na wala siyang cash on hand o bank deposits.

Sa gitna nito, sinabi ni Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña na lalong nagpapataas ng mga katanungan ang naturang alegasyon.

--Ads--

Ayon kay Cendaña, kung totoo na may ibinigay na milyon o bilyong piso ang isang umano’y drug lord sa pamilya Duterte, mahalagang malaman kung ano ang kapalit nito. Dagdag pa niya, walang naitalang ganitong halaga sa SALN ng bise presidente, kaya’t aniya’y may sapat nang basehan o probable cause laban dito.

Wala pang agarang pahayag si Duterte o ang kanyang kampo kaugnay sa mga alegasyon.

Hindi rin dumalo ang bise presidente sa pagdinig noong Miyerkules—ikatlong beses na niya itong hindi sinipot sa nagpapatuloy na impeachment proceedings sa Kamara.