--Ads--

CAUAYAN CITY – Emosyonal ang mga kapamilya ni Deserie Tagubasi sa kanilang pagsalubong kaninang pasado alas otso ng umaga sa pagdating ng kanyang bangkay sa Cauayan City Domestic Airport.

Si Deserie, 29 anyos at residente ng Lullutan, Lunsod ng Ilagan ay namatay sa Taiwan matapos na mabuhusan ng hydroflouric acid na ginagamit niya na panglinis sa mga electronics sa pinagtatrabahuang kompanya.

Dumating din ang mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) region 2 para magbigay ng suporta sa pamilya Tagubasi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa kanyang kapatid na si Darwin Tagubasi, sinabi niya na talagang uuwi ngayong Setyembre ang kanyang kapatid sa pagtatapos ng kanyang tatlong taon na kontrata sa pinaglilingkurang electronics company.

--Ads--

Si Deserie ay panglima sa 9 na magkakapatid at siya ang nagpapaaral sa kanilang bunso.

Sinabi ni Darwin na labis silang nagluluksa sa biglaang pagpanaw ng kanilang kapatid.

Mula sa Cauayan City Domestic Airport ay idiniretso ang bangkay ni Deserie sa isang punerarya sa Lunsod ng Ilagan at pagkatapos ay dadalhin na sa kanilang bahay sa Lullutan, Lunsod ng Ilagan.

Ang tinig ni Darwin Tagubasi