Mariing itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV na umano’y tumanggap ang pamilya Duterte ng P319 milyong pondo mula sa pamahalaan ng China.
Sa pahayag ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni VP Duterte, sinabi nitong matagal nang inuulit ni Trillanes ang mga umano’y maling paratang laban sa pamilya Duterte.
Ayon kay Panelo, paulit-ulit na umanong napabulaanan ang mga alegasyon ni Trillanes, kabilang na ng mga taong dati nitong ginamit bilang mga sanggunian sa mga isyung ibinabato laban sa mga Duterte.
Ang pahayag ay tugon sa mga akusasyon ni Trillanes na may daan-daang milyong pisong pondong mula umano sa Chinese government na napunta sa mga entity na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang kampo ni Duterte kaugnay sa naturang alegasyon.











