Mas mataas ang posibilidad na makaranas ng pang-aabuso ang isang bata mula sa taong kakilala o malapit sa kanilang pamilya dahil mas mababa umano ang kanilang pag-iingat kapag pamilyar sa kanila ang isang tao.
Ito ang binigyang-diin ni Rene Gandeza Jr., Project Development Officer IV ng OPARU, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kaugnay sa usapin ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Ayon kay Gandeza, likas na mas nagiging maingat ang mga bata kapag estranghero ang kanilang kaharap, subalit mas madali nilang pinagkakatiwalaan ang isang taong kilala na nila.
Samantala, sinabi niyang bagama’t wala siyang kasalukuyang datos sa bilang ng mga insidente, kapansin-pansing nagbabago rin ang paraan ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Kung dati ay karaniwang nangyayari ang mga insidente sa pisikal na mundo, mayroon na ring mga kaso ng pang-aabuso at pagsasamantala na nagaganap online.
Kabilang dito ang Online Sexual Abuse and Exploitation of Children o OSAEC, kung saan kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakararanas ng ganitong uri ng pagsasamantala.
Ipinaliwanag ni Gandeza na isa sa mga salik na maaaring samantalahin sa online exploitation ay ang kakayahan ng ilang Pilipino sa paggamit ng wikang Ingles, na ginagamit sa pakikipag-ugnayan sa mga dayuhang sangkot sa online na pagsasamantala.
Binigyang-diin din niya na may mga kaso kung saan mismong kapamilya ng bata ang nasasangkot sa pang-aabuso.
Mas nagiging mahirap umano para sa biktima ang sitwasyon kapag hindi siya agad pinaniniwalaan o nasusuportahan ng pamilya.
Sa ilang pagkakataon, sa halip na maprotektahan ang bata, maaari pa itong sisihin o pagbintangan, habang inuuna ng pamilya ang takot sa kahihiyan o sa magiging reaksiyon ng ibang tao.
Ayon kay Gandeza, mahalagang maunawaan na hindi kailanman kasalanan ng bata ang pang-aabuso.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga magulang at tagapag-alaga na maging mas mapagmatyag sa kaligtasan ng mga bata, lalo na sa kanilang pakikisalamuha sa mga taong malapit sa kanila at sa kanilang paggamit ng internet.
Mahalaga rin umano ang pagkakaroon ng bukas na komunikasyon sa loob ng pamilya upang mas madaling makapagsabi ang isang bata kung nakararanas siya ng anumang uri ng pang-aabuso o hindi ligtas na sitwasyon.









